Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

DFA, hinimok ang mga OFW na lumikas na sa mga bansang apektado ng Ebola virus

$
0
0

Department of Foreign Affairs Spokesperson Charles Jose (UNTV News)

MANILA, Philippines – Bagama’t hindi pa pormal na itinataas ang alert level 3 o ang voluntary repatriation, nanawagan na ang Department of Foreign Affairs (DFA) sa mga Overseas Filipino Worker (OFW’s) sa West Africa na lumikas na sa mga bansang apektado ng nakamamatay na Ebola virus.

Sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Charles Jose na agad isasailalim sa quarantine sa loob ng 21 araw ang mga OFW na uuwi mula sa mga bansang may Ebola outbreak, partikular na ang Guinea, Liberia at Sierra Leone.

Magtatalaga rin aniya ng lugar ang pamahalaan para sa mga OFW na uuwi at ika-quarantine.

Tinatayang siyam na raang mga Pilipino ang nagtatrabaho sa mga nabanggit na bansa.

Ayon kay Jose, sa nasabing bilang, dalawang OFW pa lamang ang nagpalista para sa boluntaryong paglikas sa Philippine Embassy sa Nigeria.

“Ang embassy natin sa Nigeria, nagbigay sila ng notice dun sa planong itaas ang alert level 3 by mid-November, and so far, may nagpatala nang dalawa na may intention umuwi,” pahayag nito.

Kinumpirma rin ni Jose na ipu-pullout na ng pamahalaan ang mahigit sa isang daang Filipino peacekeepers na nakadestino sa Liberia dahil pa rin sa banta ng nakamamatay na virus.

“Inannounce ng AFP na papauwiin na nila by November ang 114 Filipino peacekeepers.”

Sa ngayon ay puspusan na ang paghahanda ng DFA sa pagpapatupad ng boluntaryong paglikas sa ating mga kababayan sa West Africa.

Muli namang nagpaalala ang kagawaran sa ating mga kababayan na huwag maging kampante, dahil hindi pa rin ligtas ang Pilipinas sa banta ng Ebola virus. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481