KUWAIT — Pinag-iingat ng embahada ng Pilipinas ang mga kababayan nating Pilipino sa ginagawang crackdown ngayon ng pamahalaan ng Kuwait laban sa mga illegal worker doon.
Simula noong isang linggo, muling sinimulang busisiin ng Kuwaiti police sa mga dokumento ng mga dayuhan sa naturang bansa.
Sa ngayon ay sunod-sunod na rin ang ginagawang raid at house to house checking ng mga awtoridad.
“Sa panahon na ito maraming mga checking alam natin mga kababayan, mag-ingat lang po kayo don’t go places po na hindi naman kelangan magpunta kayo specially kung gabi… Bring your passports, civil ID all your documents, kapag naman meron kayong documentation hindi namn kayo huhulihin ng pulis,” panawagan ni Atty. Raul Dado, Consul General, Philippine Embassy Kuwait.
Kaanlisabay nito, bumuo na ng roving teams ang embahada ng Pilipinas upang bantayan ang mga lugar na kinaroroonan ng maraming Pilipino sa Kuwait.
Nakikipagpulong na rin ang Pilipinas sa Kuwait authorities upang masiguro ang seguridad ng ating mga kababayan doon.
Magugunitang buwan ng Mayo ngayong taon nang ipatigil ng Kuwaiti government ang pagbibigay ng bagong working permit sa mga foreign worker at sinimulan ang crackdown sa mga undocumented worker at illegal residents.
Ito’y bunsod ng nararanasang krisis pang-ekonomiya sa naturang bansa.
Target ng gobyerno ng Kuwait na mabawasan ng 100,000 foreign workers ang bansa kada taon.
Sa ngayon ay umaabot sa 180,000 ang bilang ng mga Pilipino na nagtatrabaho sa Kuwait. (Sonny Delos Reyes & Ruth Navales, UNTV News)