Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Pinoy Comic artists, tampok sa GTMACCON 4 Cosplay Competition

$
0
0

Ilan sa mga tagpo sa pre-event ng 4th season ng GTMACCON (Gaming Toys Manga Anime Cosplay Comics Convention) na ginanap sa Fisher Mall, Quezon City kamakailan. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Isa sa mga patok na patok sa mga kabataan ngayon ang panunuod ng anime at paglalaro ng video games.

Bunsod nito ay nauso naman ang character playing at pagsali sa mga Cosplay competition.

Ang Cosplay o costume play ay itinuturing na performance art kung saan ginagaya ang itsura ng isang karakter na mula sa comic books, cartoons, video games at live action films.

Kamakailan ay dumagsa ang mga tagahanga ng anime at Pinoy Komiks sa pre-event ng 4th season ng GTMACCON (Gaming Toys Manga Anime Cosplay Comics Convention) na ginanap sa Fisher Mall, Quezon City.

Tampok dito ang iba’t-ibang Pinoy Komiks superheroes na sina Sandata, Pitotoy, Niki Page at iba pa.

Ayon kay GTMACCON Head Kit Perez, layunin ng pagdiriwang na maipamalas ang pagiging malikhain ng mga Filipino artists sa larangan ng Pinoy Comic industry.

“As much as we can, kahit anong exposure we will do para mabigay sa mga artists, kasi po para sa amin kung kaya ng mga kabataan na suportahan yung mga foreign characters why not the local ones also.”

Nagkaroon din ng meet and greet at book signing activites ang fans sa kanilang mga paboritong Pinoy Komiks artists na sina Pol Medina Jr. ng Pugad Baboy Komiks, Berlin Manalaysay ng Funny Komiks at iba pang artist.

Bukod dito, mayroon ding drawing at painting competition para sa mga participant kung saan iginuhit ng mga ito ang kanilang mga paboritong Pinoy comic super heroes.

Naniniwala naman ang comic artist na si Berlin Manalaysay na malaking tulong para sa mga tulad niyang artist ang mga ganitong uri ng programa upang makilala ang husay at kakayahan ng mga Pilipino na makipagsabayan sa ibang bansa sa larangan ng sining.

“Yun nga ang maganda, to let the people see na magaling din mag-drawing ang mga Pilipino, magaling tayo sa illustration, our imagination is different.”

“Para dumami yung Cosplay na magagawa ng mga Pilipino hindi lang foreign characters ang gagawan ng Cosplay, maganda pati Filipino characters gawan din natin ng Cosplay,” dagdag pa ni Berlin. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481