MANILA, Philippines – Desidido ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na sampahan ng disbarment case si Attorney Harry Roque, ang abogado ng pamilya ng pinaslang na transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude.
Kaugnay ito ng umano’y pang-uudyok ng abogado sa kapatid ni Laude at sa German national na si Marc Sueselbeck na pasukin ang isang restricted area sa Camp Aguinaldo.
“Ipinapaanunsyo ng ating mahal na Chief of Staff na si Gen. Catapang ang pagsampa ng complaint namin vs. Atty Harry Roque hinggil dun sa pangyayari na sya ang nagudyok sa foreigner at kay Ms. Laude kung saan nilabag ang batas ng kampo, restricted area,” pahayag ni Lt. Col. Harold Cabunoc, tagapagsalita ng AFP.
Hindi naman natitinag si Attorney Roque sa disbarment complaint ng AFP.
Aniya, handa niyang isuko ang kanyang pagiging abogado kung hindi rin lang nila magagawang ipagtanggol ang soberanya ng bansa.
“Kung ang paglaban po para sa soberanya ng bayang ito ay isang dahilan para ma-disbar, wag na po kayong mag-file ng disbarment, boluntaryo ko pong isu-surrender ang aking lisensya, labag pala sa pagpractice ng batas ang paglaban para sa soberanya ng bayan,” saad nito.
Naniniwala ang abogado na itataguyod ng Korte Suprema at ng Intergrated Bar of the Philippines ang soberanya ng bansa na umano’y niyuyurakan ng alyansa-militar sa pagitan ng Pilipinas at Estados Unidos.
Isa si Attorney Roque sa mga nagpetisyon sa Korte Suprema upang mapawalang-bisa ang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) sa Amerika.
“Tiwala po kami na ang aming ginawa ay isang tugon sa aming sinumpaang katungkulan,” saad pa ni Roque.
Ayon naman sa isa pang abogado ng pamilya Laude, ginagamit lamang ng militar ang isyu ng disbarment upang malihis ang isyu sa kaso ng pamamaslang kay Jennifer Laude.
Ayon kay Atty. Virgie Suarez, “Kahit na yung usapin ng disbarment, ito ay isang paraan uli ng gobyerno para patahimikin kami, para malihis uli ang kaso na ito. Pero hinding-hindi kami mananahimik sa kasong ito.” (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)