MANILA, Philippines – Hindi nababahala si Senate President Franklin Drilon kung magkakaroon ng pagdinig ang senado kaugnay sa Iloilo Convention Center na ang ilang pondo ay mula sa kanyang pork barrel.
Tiwala si Drilon na madedepensahan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang regularidad ng naturang proyekto.
Sa ipinalabas na official statement ni Drilon ngayong araw, sinabi nito na ang DPWH na nag-supervise ng ICC ay kayang pasinungalingan ang malisyosong paratang.
Wala rin umano syang kinalaman sa anumang bidding process ng proyekto.
Sinabi rin ni Drilon na hindi nya gagamitin ang kanyang posisyon bilang pangulo ng Senado upang hadlangan kung magkakaroon man ng imbestigasyon ang Blue Ribbon Committee ukol dito.
Samantala, pabor naman si Senador Antonio Trillanes IV na magkaroon ng imbestigasyon ukol dito kahit kaalyado ito ng administrasyon.
Katwiran nito, “Sa akin sinusuportahan ko yang panawagan na yang mag-imbestiga tungkol sa Iloilo Convention Center kung may mag-i-initiate nyan susuportahan natin.”
Naniniwala naman ang senador na hindi mahahati ang atensyon ng publiko kung magsasagawa rin ng Senate probe laban sa pangulo ng Senado.
Sa ipinalabas namang statement ni Senator Teofisto “TG” Guingona III na Chairman ng Blue Ribbon Committee ngayong araw, sinabi nitong iimbestigahan na ng senado ang isyu ng Iloilo Convention Center sang-ayon sa resolusyon ni Senador Miriam Santiago.
“The Senate Blue Ribbon Committee will formally investigate the alleged overpricing in the construction of the Iloilo Convention Center (ICC) and other issues related to it. The Blue Ribbon Committee will initiate the probe on these controversies that are also partly covered by Senate Resolution No. 906 filed by Senator Miriam Defensor-Santiago. The Blue Ribbon Committee shall commence the investigation as soon as initial preparations have been completed.” (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)