MANILA, Philippines – Siyam na pagdinig na ang naisagawa ng Senate Blue Ribbon Sub-committee upang imbestigahan ang umano’y overpriced na Makati City Hall 2 parking building sa ilalim ng panunungkulan ng noo’y dating Makati Mayor at ngayo’y Vice President Jejomar Binay.
Subalit, mula sa kontrobersyal na parking building, sari-saring usapin pa ang naungkat at maraming personahe na ang nadamay sa isinasagawang imbestigasyon ng Senado.
Tulad ng businessman na si Antonio Tiu na diumano’y dummy lamang para sa 35-ektaryang lupain sa Rosario, Batangas na sinasabing pag-aari ng pamilya Binay.
Ayon sa political analyst na si Ramon Casiple, delikado para sa oposisyon ang ginagawa nilang imbestigayon sa Pangalawang Pangulo.
“Kung under dog ang vice president, alam mo naman ang political culture sa Pilipinas, there is such thing as nasobrahan ng bira, ang tao ay pinapadapa ninyo unjustly. ‘Pag yun ang perception ng publiko, ang may problema dito hindi si VP Binay, yung kalaban niya regardless kung tama o mali ang mga kinukwento.”
Sinabi pa ni Casiple na ang senaryong nangyayari sa bise presidente sa ngayon ay hindi nalalayo sa naging sitwasyon ng dating pangulo at ngayo’y Manila Mayor Joseph Estrada na pagkatapos maharap sa sari-saring intriga ay nailuklok pa bilang ika-13 pangulo ng bansa.
Dagdag pa nito, hindi mahalaga para sa taumbayan kung papaano at kung saan sasagutin ni Binay ang mga alegasyong kinakaharap niya.
Ang inaabangan ng publiko ay kung ano ang paliwanag ng pangalawang Pangulo sa lahat ng mga ibinabatong kontrobersya laban sa kaniya.
“Nasa context ito ng hindi pa siya nagpapaliwanag, hindi natin nakuha ang detalyadong paliwanag, isang factor dun, bawat hearing ata may bago.”
Hinihintay na ng taumbayan kung pauunlakan ng pangalawang pangulo ang pormal na imbitasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa hearing ng overpriced Makati City Hall 2 parking building sa November 6.
Samantala, nakatakda namang magharap sa debate si VP Binay at Senador Antonio Trillanes IV sa Nobyembre 10, Lunes. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)