MANILA, Philippines – Makalipas ang halos isang taon matapos manalasa ang Bagyong Yolanda sa bansa, hindi tumigil ang Philippine Red Cross (PRC) sa pagtulong sa ating mga kababayan na lubhang naapektuhan ng kalamidad.
As of October 31,2014, tinatayang nasa mahigit 300-libong pamilya na ang naabutan ng emergency food items ng Red Cross, habang nasa halos 200-libong pamilya ang nabigyan na ng mga hygiene kit.
Halos 91-libong pamilya rin ang naayudahan ng cash relief assistance, at mahigit sa 31 libong indibidwal naman ang nabigyan ng psychosocial support.
Tinatayang nasa mahigit sa 100-milyong halaga ng mga gamot na rin ang naipamahagi ng Pharmaceutical and Healthcare Association of the Philippines (PHAP).
Mayroon ring mahigit sa 6,000 core shelter ang naipatayo, at halos 29,000 households ang nabigyan ng shelter repair assistance.
Bukod pa rito ang patuloy na pamamahagi ng iba pang pangangailangan gaya ng mga tents, kumot, kulambo, at malinis na tubig.
Tinututukan din ngayon ng Red Cross at iba pang ahensya ng pamahalaan tulad ng TESDA at DTI ang pagbibigay ng mga livelihood programs para sa ating mga kababayan.
Samantala, aminado ang Office of the Presidential Assistance for Rehabilitation and Recovery (PARR) na sa ngayon ay nahihirapan silang makakita ng mga lupa na pagtatayuan ng mga permanent shelter.
Anila, karamihan sa mga lupain na target na matayuan ng mga permanenteng tahanan ay agricultural land o di kaya naman ay pribado kaya’t hirap ang PARR na maipatayo ang mga permanent shelter.
Sinagot naman ni PARR Communication Manager Atty. Karen Jimeno ang isyu kaugnay ng umano’y mabagal na aksyon ng pamahalaan upang maisaayos ang ating mga kababayan na nawalan ng mga tirahan.
Aniya, ginagawa na ng pamahalaan ang lahat upang maibalik sa normal na pamumuhay ang ating mga kababayan na sinalanta ng Bagyong Yolanda.
“The phase of recovery in the Philippines is faster than in other countries, and I guess for those who think things are going slow, check the facts and data first”
“As you can see of the target marami na tayong na accomplished,” giit ni Jimeno. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)