MANILA, Philippines — Patuloy na makararanas ng pag-ulan ang malaking bahagi ng bansa ngayong araw hanggang sa weekend.
Sa ulat ng PAGASA, partikular na maapektuhan ng southwest monsoon o hanging habagat ang Luzon at Visayas bagama’t nakararanas din ng pag-ulan ang ilang bahagi ng Mindanao.
Paglilinaw ng PAGASA, hindi bagyo kundi hanging habagat lamang ang umiiral sa bansa na siyang nagdudulot ng mga pag-ulan lalo na sa dakong hapon o gabi.
Samantala, dahil sa pagbuhos ng malakas na ulan kahapon, Huwebes, maraming lugar sa Metro Manila ang nalubog sa baha.
Bunsod nito, maraming paaralan ang nagkansela ng klase kahapon kabilang na ang University of Sto. Tomas (UST), San Beda College, University of the Philippines-Manila, Far Eastern University, FEU East Asia College, Adamson University at City College of Manila.
Nagkansela rin ng klase kahapon ang San Sebastian College, Dela Salle University, DLS College of St. Benilde, Saint Paul University-Manila, Philippine Women’s University, University of the East-Manila, Saint Scholastica’s College, Saint Jude College at Philippine College of Criminology.
Ngayong araw naman, nag-anunsyo na ang University Of Santo Tomas sa kanilang twitter account na kanselado pa rin ang pasok ng mga estudyante sa lahat ng antas pati na ng faculty at staff. (UNTV News)