MANILA, Philippines – Sasagutin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pag-aaral ng mga dependent o anak at kapatid ng mga sundalong nasawi sa pakikipagsagupa sa mga rebelde sa Basilan noong Linggo.
Ayon kay Lieutenant Colonel Danilo Estrañero, acting chief at general manager ng AFP Educational Benefit System Office (AFP-EBSO), makatatanggap ng educational assistance ang mga kapatid ni 2nd Lt. Jun Corpuz sa ilalim ng mga programa ng AFP.
Isa si Corpuz sa anim na sundalong nasawi sa pag-atake ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Sumisip, Basilan.
Sinabi ni Estrañero na qualified ang tatlong kapatid ni Corpuz na maka-avail ng nasabing scholarship program.
“Sa tatlo nyang kapatid, si Kristy ay incoming 3rd year college, pansamantalang intern sa munisipyo ng Bacnotan sa La Union. si Christian ay kasalukuyang 1st year college, ang kinukuha nya ay BS Agricultural Engineering sa Don Mariano Marcos Memorial State University, so ang isa pa ay si Coleen na grade 4,” pahayag nito.
“Ang support natin, i-emphasize ko lang, ay simula ‘pag ma-approve sila hanggang sa makatapos sila ng college. Ibig sabihin, assured po sila until graduation,” dagdag pa ni Estrañero.
Ayon sa opisyal, batay sa Presidential Decree 577, qualified ang mga anak ng mga may-asawang sundalo, gayundin ang mga kapatid ng mga binata’t dalagang sundalo sa mga scholarship program mula elementary hanggang college.
Katuwang ng AFP ang Department of National Defense (DND), Commission on Higher Education (CHED), at Philippine Association of State Universities and Colleges sa pagbibigay ng libreng tuition fee at allowance sa mga scholar.
Bukod dito, inihayag ni Estrañero na marami pa ang mga scholarship program ng AFP para sa mga qualified dependent.
“Meron po tayong law-mandated programs, nakasaad sa batas, isa rito ay ang RA 6963. In terms of educational benefits, nagbibigay support sa dependents ng ating combat casualties, pero ang kasama lang po rito ay ang mga anak.”
“Yung isa ring program ay yung RA 9049, para sa mga medal of valor awardees. Special honor and privileges dahil ito ang pinakamataas na award para sa heroism and bravery.”
Gayunpaman, sinabi ni Estrañero na ang commitment ng AFP ay ang masiguro na walang sundalong maghihirap, lalo na ang mga naiwan nitong mahal sa buhay.
Batay sa datos ng AFP-EBSO, mayroon ng 250 partner schools ang AFP na tumutulong na mapagtapos ng pagaaral ang nasa 4,500 scholars at naiwang anak ng mga nasawing sundalo sa labanan. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)