QUEZON CITY, Philippines – Halos hindi gumagalaw ang mga sasakyan at isang lane lang ang nadadaanan sa southbound lane ng EDSA-Kamuning nitong umaga ng Miyerkules dahil sa paglalatag ng malaking airbag.
Ito’y upang masagip ang buhay ng isang lalake na nagtangkang tumalon mula sa bubong ng MRT Kamuning Station.
Matapos ang halos tatlumpung minutong pagsusubaybay ng mga awtoridad, bigla itong tumayo at mangiyak-ngiyak na sumuko sa mga tauhan ng special rescue unit ng Bureau of Fire Protection (BFP).
“Medyo hindi naman sigurado siya na tatalon. Nakikita natin yung reaksyon niya nung bumaba yung personnel natin. Yun nga iniwasan nito ang pagtalon bumaba na rin yung dalawa para kunin siya,” saad ni Fire Supt. Jesus Fernandez.
Itinurn-over naman ng mga rescuer ang lalake sa QC Police Station 10.
Sa salaysay ng isang nakakita, ala-5 pa ng madaling araw ng hubarin nito ang kaniyang damit pang-itaas at umupo sa dulong bahagi ng bubong ng nasabing istasyon.
Ayon naman kay Fernandez, usaping mag-asawa ang dahilan ng pag-akyat nito sa bubong ng MRT station.
“Nag-away daw sila, may hindi pagkakaunawaan sa misis niya,” saad pa ng opisyal. (Jerico Albano / Ruth Navales, UNTV News)