MANILA, Philippines – Maglalabas na ngayong Nobyembre ang Philippine Postal Corporation (PhilPost) ng bagong postal identification card upang maiwasan ang pamemeke dito.
Gawa lamang sa papel na cardboard at laminated sa plastik ang lumang postal ID kaya madaling gayahin at pekein.
Sa upgraded version ng postal ID, gawa na ito sa PVC plastic card at may kalakip pang digital security.
“Ang quick response code na ito ang magve-verify at ito ay para masiguro natin na talagang authentic at ang taong nagke-claim niyon ay siya talaga,” pahayag ni Josefina ‘Josie’ dela Cruz, Postmaster General ng PhilPost.
Isa sa pinaka-available at accessible na identification card ang postal ID para sa mga katulad ni Charlotte Buenavista, ang 26 na taong gulang na may balak na mangibang-bansa upang makapaghanapbuhay.
Hindi na niya kinakailangang magsumite ng iba pang sertipikasyon at katunayan ng kwalipikasyon tulad ng employment upang makakuha ng postal ID.
Nitong umaga ng Miyerkules, nagsumite lang siya ng kaniyang NSO birth certificate, barangay clearance at marriage contract sa PhilPost at bago mananghalian ay nakuha na niya ang kaniyang postal ID.
Ngayong Nobyembre, uumpisahan na ng PhilPost ang pag-iissue ng bagong disensyo ng postal ID sa iba’t ibang post offices nito sa Metro Manila.
Ngunit para sa mga may lumang postal ID, maaari pa rin aniya itong magamit hanggang sa itinakdang petsa ng validity nito.
Nagbigay naman ng garantiya ang PhilPost na hindi kinakailangang magdagdag ng malaking halaga upang makapagproseso ng upgraded version ng postal ID.
Sa kasalukuyan ay apat na raang piso ang halaga upang makapagproseso ng isang postal ID. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)