MANILA, Philippines – Humiling na ang Pasang Masda sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng 50 sentimos na bawas-pasahe sa jeep.
Ito ay dahil sa patuloy na pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa nakalipas na apat na buwan.
Kasabay nito, hiniling rin ng grupo sa LTFRB na bumuo ng sistema para sa pagtuloy sa tamang halaga ng pasahe sa jeep.
Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, mas magiging mabilis umano ang pagdinig sa mga petisyon upang ibaba o itaas ang pasahe kung magkakaroon ng isang maayos na mekanismo.
“Kung kinakailangang apurahin ito pakiusapan ang board, ang NEDA, ang lahat ng ahensya ng pamahalaan para po rito, ito na po ang tinatawag na solusyon.”
Sa naturang mekanismo, kapag umabot ng P35 to P39 ang presyo ng diesel, dapat ay nasa P8 pesos ang pasahe sa jeep, kung P40 to P45, dapat ay nasa P9, at kung umabot na sa P46 to P50 ang presyo ng diesel, dapat aniya ay nasa P10 na ang pasahe sa jeep.
Kasama rin sa pagbabatayan ang mga aspetong pang-ekonomiya gaya ng presyo ng mga spare parts at ilang pangunahing bilihin.
Layunin din nito na maproteskyunan ang mga driver lalo na ang mga commuter.
Pabor naman sa naturang mekanismo ang grupong Alliance of Concerned Transport Operators (ACTO) subalit kailangang ito ay automatic na ipagkaloob sa kanila at hindi na kailangang dumaan sa public hearing.
“Wala ng magiging public hearing, magkaroon man ng wala na yan, yung petisyon ng rollback at increase sa pamasahe mawawala kung yung formula na yun ay mangyayari,” pahayag ni ACTO President Efren De Luna.
Maging ang grupo ng mga commuter ay pabor sa panukala.
“I accept o tanggapin ang isang formula na kung saan kapag mayroong isinumite ang DOE na market prices ng petroleum products, babasehan na lang ng LTFRB ang formula na ihahain at mapagkakasunduan,” saad ni Elvira Medina, presidente ng National Council for Commuters Safety and Protection.
Samantala, hindi naman pabor ang LTFRB sa automatic fare adjustment.
Giit ni LTFRB Director Roberto Cabrera, dapat pa ring dumaan sa tamang proseso ang anumang petisyon sa kanilang tanggapan.
“We will just wait for it and probably the board will issue a notice of hearing right away,” saad nito. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)