MANILA, Philippines – Halos kumpleto ang miyembro ng gabinete sa special meeting na ipinatawag ni Pangulong Benigno Aquino III ngayong umaga sa palasyo ng Malakanyang.
Pangunahing agenda sa special meeting ang rehabilitation at recovery plans ng pamahalaan sa Yolanda affected areas.
Dumalo sa naturang special meeting si Vice President Jejomar Binay bilang chairman ng Housing and Urban Development Coordinating Council.
Naroon din sina Executive Secretary Paquito Ochoa, Presidential Assistant for Rehabilitation and Recovery Secretary Panfilo Lacson, DPWH Secretary Rogelio Singson at iba pang miyembro ng gabinete na may papel sa rehabilitation effort ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio Coloma Jr, nagpa-update si Pangulong Aquino kaugnay ng implementasyon ng Comprehensive Rehabilitation and Recovery Plans (CRRP) na naaprubahan noong Oktubre 29.
“The President will get updates on CRRP implementation as of 31 October from OPARR Sec. Lacson and heads of clusters on resettlement (HUDCC & NHA), infrastructure (DPWH), social services (DSWD), livelihood (DTI, DOLE) and support (DBM, NEDA).”
Sinabi rin ng kalihim na layon ng pulong na mailatag ang mga prayoridad na programa at proyekto para sa taong 2015.
Ang CRRP ay popondohan ng mahigit P167 billion kung saan nakapaloob dito ang mahigit 25-libong rehabilitation and recovery plans para sa anim na rehiyon.
Kaugnay nito, inatasan naman ni Pangulong Aquino ang mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na pabilisin ang proseso at requirements sa pagtatayo ng permanent housing units.
Ito ang layon ng Administrative Order No. 44, kung saan dapat na mai-produce ang mga kinakailangang clearance sa loob lamang ng dalawang buwan mula sa anim na buwan sa pamamagitan ng pagbabawas ng mga hinihinging dokumento at bayarin para sa mga resettlement project.
Kaugnay nito ay inaasahan namang sa araw ng sabado ay personal na bibisita sa Yolanda affected areas si Pangulong Aquino kaugnay ng anibersaryo ng pananalasa ng Super Typhoon Yolanda. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)