LAGUNA, Philippines – Pinuri at hinangaan ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang anim na taong gulang na batang lalake sa Calamba, Laguna na nagsauli nang napulot na wallet na may lamang pitong libong piso.
Isang araw ng nawawala ang pitaka ni Wariza Abubakar Mayan, trainee ng National Fire Training Institute (NFTI) sa Camp Vicente Lim sa Laguna na tubong Jolo, Sulu.
May laman ang kanyang wallet ng mahahalagang dokumento at ID kasama ang pitong libong piso na budget ng trainee sa loob ng anim na buwan.
Ayon kay Mayan, hindi na niya inaasahang maibabalik pa ang wallet ngunit isinauli ito ng batang si Add Magtalayo kasama ang kanyang ama.
“Grabe kabata bata nito marunong na siya. Maraming salamat talaga di ko inexpect, sana ganyan ka pa rin paglaki. Yung ibang mga bata kapag nakakita na niya pero siya ibinigay niya sa tatay niya. Kayo din po sir, maraming salamat ganito anak niyo pinalaki grabe ang bait bait talaga,” pasasalamat nito sa mag-ama.
Ayon sa tatay ni Add na si Arnold Magtalayo, kahit kailangan nila ng pera dahil wala siyang hanapbuhay ay hindi daw siya nagkainteres dito dahil sa mga salita ng Dios na kaniyang natutunan sa biblia.
“Proud po at naturuan ko ng paggawa ng mabuti sa kapuwa tinuruan ko siya kapag may napulot isauli wag pag-interesan. Naawa ako sa may ari, kaya po ni-request ko sa UNTV na samahan ako iturn-over wallet para mapunta sa may ari. Masaya po pala nakakatulong sa kapwa, nagpapasalamat ako sa Dios sa natutunan kong aral,” saad ni Mang Arnold.
Kwento ni Add, napulot niya sa gitna ng kalsada ang pitaka habang sila ay naglalaro at ibinigay niya iyon sa kanyang ama.
Hangang-hanga naman ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa kabutihan na ipinamalas ng batang si Add.
Ayon kay BFP PIO Inspector Maricilla Antonio, naniniwala siya na likas sa mga Pilipino ang pagiging tapat at matulungin sa kapwa tao.
“Nakikita rin natin yung Filipino values buhay pa rin satin,” saad nito. (Sherwin Culubong / Ruth Navales, UNTV News)