MANILA, Philippines – Sasailalim sa 21-day quarantine sa isang isla ang 112 Filipino peacekeepers na nakatakdang umuwi sa bansa mula sa Liberia sa Nobyembre 11.
Ito ay upang matukoy kung positibo o negatibo ang mga ito sa nakamamatay na Ebola virus.
Ayon kay AFP Spokesperson Lt. Col Harold Cabunoc, ika-quarantine sa isang island paradise ang mga sundalo at hindi sa Capas, Tarlac.
“Island paradise yun. Dapat masaya ating mga sundalo, ito ang isusukli sa kanilang kabayanihan sa Liberia mission. Daily updates, dapat masaya ang ating mga sundalo.”
Mahigpit ding ipinagbabawal ng AFP ang pagdalaw ng mga kaanak sa mga peacekeeper upang makaiwas sa anumang banta ng Ebola virus.
Isa ang Liberia sa mga bansa sa West Africa na lubhang apektado ng Ebola virus.
Hindi naman idinetalye ni Cabunoc ang eksaktong lokasyon ng isla, subalit sinabing may makakasama ang mga sundalo na mula sa health department upang magbantay sa kanilang kalusugan.
Dagdag pa ni Cabunoc, hindi aprubado ni AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Pio Catapang ang paglalagay sa mga peacekeeper sa Tarlac o maging sa V. Luna Medical Center at Fort Magsaysay sa Nueva Ecija.
Nanawagan rin si Cabunoc sa publiko na walang dapat na ikabahala at hindi dapat pandirihan ang mga bayaning sundalo na nagsilbi upang maging mapayapa sa Liberia.
“Nananawagan kami sa ating mag kababayan, wag po nating pandirihan o katakutan ang ating mga bayaning sundalo na nagserve upang maging mapayapa ang Liberia. I-welcome natin sila, sundin ang protocols, alisin lahat ng pangamba. Sa Liberia pa lang, considered na silang no risk personnel,” saad pa ni Cabunoc. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)