MANILA, Philippines – Pinag-aaralan na ng Department of Agrarian Reform (DAR) kung may paglabag sa Comprehensive Agrarian Reform Law ang kontrobersyal na hacienda sa Batangas na umano’y pag-aari ni Vice President Jejomar Binay.
Ayon kay DAR Secretary Virgilio Delos Reyes, makatutulong ang isinasagawang imbestigasyon ng Senado upang makuha ang kabuoang sukat ng lupain at ang proseso sa acquisition nito.
Sinabi ng kalihim na wala sa kanilang listahan ang pangalang Laureano Gregorio na umano’y pinagbilhan ni Antonio Tiu ng halos 150 ektaryang lupain.
Si Antonio Tiu ang nagpakilalang may-ari ng nasabing hacienda subalit sinasabi ring front lamang ito ni Binay na siyang totoong may-ari.
“Base po sa record namin sa Lauriano Gregorio o Gregorio Lauriano ay hindi po CARP beneficiary, hindi rin po siya land owner na pinanggalingan ng lupa ng isang CARP beneficiary at hindi rin po siya kasama doon sa mga lupain na kailangan pang i-cover sa CARP sa Rosario,” ani Delos Reyes.
“Pero hindi po ibig sabihin noon ay hindi siya land owner sapagkat ang record po namin ay young record ng yung listahan ng CARP beneficiary, yung mga mayari na naglipat ng lupa sa pamamagitan ng CARP at saka po yung balance,” dagdag pa nito. (UNTV News)