MANILA, Philippines – Hindi na basta-basta papayagang makapasok muli sa mga kampo ng militar si Atty. Harry Roque.
Dahil ito sa umano’y hindi mabuting inasal ng abogado sa Camp Aguinaldo noong October 22.
Si Roque ay kasama ng German national na si Marc Sueselbeck at ng kapatid ni Jennifer Laude na si Marilou nang magtungo sa kampo.
Sinasabing ang abogado ang nag-udyok sa dalawa upang umakyat sa bakod at pasukin ang isang restricted area doon upang makita sana ang Amerikanong suspek sa pagpatay kay Laude na si U.S. Marine Private First Class Joseph Scott Pemberton.
“Basis ang kanyang grave misconduct dito sa loob ng kampo na siya ay ma-ban sa lahat ng mga kampo sa ating bansa, sa Pilipinas,” pahayag ni Lieutenant Colonel Harold Cabunoc, AFP Spokesperson.
Nitong Lunes ay pormal nang sinampahan ng disbarment complaint ng AFP si Atty. Roque kaugnay ng nasabing insidente.
Una namang sinabi ni Roque na handa niyang sagutin at harapin ang disbarment complaint.
Nagbanta rin ito na magsasampa ng kasong katiwalian at administratibo laban sa mga opisyal ng militar dahil sa pagkupkop kay Pemberton sa Camp Aguinaldo.
Nangako pa si Roque na kung kinakailangan ay babalik siya sa kampo upang kunin ang kustodiya kay Pemberton at ibigay ito sa mga awtoridad ng Pilipinas na hindi sunud-sunuran sa Estados Unidos.
Ngunit ayon kay Cabunoc, dapat itong pagisipang mabuti ng abogado.
“Siya ang nag-breach ng security. Kami ang natatakot na baka umakyat sya ng bakod at barilin sya ng gwardya. Sana maghunos dili sya sa kanyang plano.”
Sa ngayon ay nasa Europa si Roque upang dumalo sa pagpupulong ng United Nations (UN) tungkol sa mga kaso ng pagpatay sa mga mamamahayag.
Sinabi nito na isasampa niya ang mga kaso laban sa AFP pagbalik niya ng Pilipinas. (Roderic Mendoza / Ruth Navales, UNTV News)