MANILA, Philippines – Sa layuning maihanda ang bansa sa banta ng mga kalamidad, isang mapping software ang inilunsad ngayon ng National Youth Commission (NYC) at National Anti-Poverty Commission (NAPC).
Ayon kay NAPC USec. Gio Tingson, sa tulong ng MAPA-HANDA software ay magiging madali na para sa mga local government units na maihanda ang kanilang mga nasasakupan kung may paparating na kalamidad.
Makatututulong din ang MAPA-HANDA upang makabuo ng epektibong disaster response.
“Dito natin madedetermine kung papaano tayo makakaresponde, papano tayo makakabuo ng resources na kailangan natin sa panahon ng sakuna at pagprepare sa anumang kalamidad na pwedeng maganap.”
Sa pamamagitan ng software, malalaman ng mga disaster planner kung ilang lugar ang posibleng maapektuhan ng mga pagbaha at kung saan dapat na ilikas ang mga residente.
Malalaman din sa software kung anu-ano at ilan ang kakailanganing tulong ng mga evacuee gaya ng bigas, tubig, pagkain at iba pang pangangailangan.
Kabilang sa mga katuwang sa MAPA-HANDA project ang University of the Philippines (UP), Department of Science and Technology (DOST), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), Miss Earth Foundation at iba pa. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)