MANILA, Philippines —Tapos na ang deadline ng Commission on Elections (COMELEC) para sa pagsusumite ng Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) ng mga kumandidato sa nakalipas na eleksyon.
Ayon sa COMELEC, posibleng ilabas nila ngayong araw ang listahan ng mga kandidatong nabigong magsumite ng statement ng kanilang gastos sa kampanya.
Ang lahat ng bigong makasunod sa panuntunan ay pagmumultahin ng COMELEC ng P1,000 hanggang P30,000 para sa mga first-time offender at mula P2,000 hanggang P60,000 naman para sa second offense.
Sinabi ni Chairman Sixto Brillantes Junior na ang mga nanalong kandidato subalit hindi nakapag-sumite ng SOCE ay hindi nila pauupuin sa pwesto.
“Walang extension yan, nasa batas yan eh. First thing we will determine is to check those who did not file so we can start imposing the administrative fine. For those who won the election, check whether they will be able to assume the office.”
Ang lahat naman ng mga winning candidate na nakapaghain ng SOCE ay agad bibigyan ng certificate of submission upang maging basehan ng oath taking sa June 30.
Samantala, sinabi rin ni Brillantes na posible pang makaupo sa pwesto ang mga late filer kung maihahain ang SOCE at makapagbayad ng multa bago sumapit ang June 30. (Pong Mercado & Ruth Navales, UNTV News)