MELBOURNE, Australia – Nasa 45,000 bulag ang tutulungang maibalik ang paningin sa Melbourne, Australia.
Ang Monash Vision System na nilikha ng 60 tao sa Monash University ay tutulong sa mga bulag na makakita sa pamamagitan ng brain implant na nakakonekta sa camera.
Ang nasabing camera naman ang kukuha at magdadala ng imahe sa tulong ng digital processor sa isang chip na ilalagay sa ilalim ng bungo, sa likod na bahagi ng ulo.
Ang naturang teknolohiya ang inaasahang magbibigay ng pag-asa para makakita ang isang bulag ng serye ng mga tuldok at kulay.
Nakatakda namang maglabas ng prototype ang Monash researchers sa susunod na taon at kung ito ay maging matagumpay, inaasahan na magagamit na ito sa loob ng sampung taon. (UNTV News)