Naitabla ng Miami Heat ang NBA best of seven championship series laban sa San Antonio Spurs sa tig-dalawang panalo.
Magugunitang tinambakan ng Spurs ang Heat ng 30 points sa Game 3, subalit siniguro ng Heat na hindi na ito mauulit at tinalo ang Spurs sa score na 109–93 sa home court ng San Antonio kanina.
Mula sa limang puntos na abante ng Spurs sa first quarter, 15-5, nagtulong sina MVP Lebron James at Dwyane Wade sa paghahabol at ganap na naiposte ang 10-point lead sa gitnang bahagi ng second quarter.
May combined 85 points performance ang big three ng Miami na sina Lebron, Wade at Chris Bosh.
Umiskor si James ng 33 points, nag-ambag si Wade ng 32 points, habang 20 points naman kay Bosh.
Si Tim Duncan ang leading point maker ng Spurs, 20 points at pangalawa si Tony Parker na umiskor lamang ng 15 points dahil sa kaniyang injury.
“Well the turnovers obviously hurt us, you know we can’t give them over twenty points off turnovers, they’re too good,” pahayag ni Coach Gregg Popovich, San Antonio Spurs.
Hawak pa rin ng San Antonio Spurs ang home court advantage sa Game 5 na gaganapin sa Lunes. (UNTV News)