MANILA, Philippines – Lumalala ang problema ng mga mangingisda sa Laguna Lake dahil sa pagdami ng knife fish na kumakain ng ibang uri ng isda.
Sinabi ni LLDA General Manager Nereus Acosta na nauubos ang ibang klase ng isda na dati nang nasa lawa dahil kinakain ito ng knife fish.
Sa bawat kilo ng knife fish ay nangangahulugang kumain na ito ng 7 hanggang 8 kilo ng ibang uri ng isda na nagkakahalaga ng P1,050.
“Noon 10% lang, sa 100 kilos na nahaharvest mo 10 kilos lang ang knife fish… ngayon mag 40-50% halos kalahati.”
Ang knife fish ay isang uri ng ornamental fish na hinihinalang napunta sa lawa ng manalanta ang bagyong Ondoy noong 2009.
Sa ngayon ay apektado na umano ang kabuhayan ng 5,768 na mga mangingisda sa lugar.
Ayon kay Acosta, nanganganib na kulangin ng supply ng isda ang Metro Manila at mga karatig lugar kung hindi mapipigilan ang pagdami ng naturang isda.
“More than 40 or 60 % of all our freshwater fish supply, ang bangus po ng Laguna Lake ay halos po yun ang nagsusuply sa buong CALABARZON at Metro Manila.”
Sa ngayon ay nagtutulungan na ang LLDA at iba’t-ibang ahensya ng gobyerno upang masulusyonan ang pagdami ng mga knife fish.
Nakatakda ring magsagawa ng malawakang panghuhuli ng knife fish sa lawa at tuturuan ang pamilya ng mga mangingisda kung paano mapapakinabangan at pagkakakitahan ang mga ito. (Rey Pelayo & Ruth Navales, UNTV News)