MANILA, Philippines – Nanawagan ang pamunuan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa publiko na huwag mangamba kasunod ng kumpirmasyon ng Department of Health (DOH) na isa 133 Filipino peacekeepers ay nagkaroon ng lagnat.
Ayon kay AFP PAO Chief, Lt. Col. Harold Cabunoc, hindi dapat matakot at mag-panic ang publiko maging ang mga kaanak ng peacekeepers dahil kinakailangan pang kumpirmahin ang dahilan ng lagnat nito lalo pa’t may history na nagkaroon ng malaria ang peacekeeper.
“Wag po tayong magpadala sa mga rumors, inaasikaso ng ating health department ang lahat ng kinakailangan ng ating peacekeepers.”
“Ano klaseng lagnat, kasi ang lagnat sintomas lamang ito ng samu’t saring sakit, halimbawa nagutuman o nainitan o halimbawa sa change of weather,” saad pa ni Cabunoc.
Nakahanda namang sumunod ang AFP sa DOH kaugnay sa mga gagawing hakbang kung kailangan bang i-isolate ang nasabing peacekeeper, o dapat ba itong ilipat sa Research Institute for Tropical Medicines (RITM).
Ang Joint Task Force Liberia na may sariling support personnel ang itinalaga ng AFP na mag-asikaso sa mga pangangailangan ng mga peacekeeper at makipag-ugnayan sa DOH.
Ayon pa kay Cabunoc, may pagkakataon ang 133 peacekeepers na makipag-usap sa kanilang mga kamag-anak subalit tinagubilinan ang mga ito na huwag basta-basta magbibigay ng impormasyon partikular sa kanilang kalusugan dahil maituturing itong maselang impormasyon at nangangailangan pa ng pagsusuri at kumpirmasyon.
Binigyang-diin din ng AFP na walang naging direct contact sa Ebola high risk personnel sa Liberia ang mga Pinoy peacekeeper na dumating sa bansa noong Miyerkules.
Bahagi ng seguridad ng pamahalaan na maiwasang makapasok sa bansa ang nakamamatay na Ebola virus kaya inilagak ang mga naturang sundalo sa Caballo Island sa loob ng 21 araw. (Rosalie Coz / Ruth Navales, UNTV News)