MANILA, Philippines – Nilinaw ng Toll Regulatory Board (TRB) na malabo pang maaprubahan at maipatupad sa January 2015 ang hiling ng mga toll regulator at concessionaires na dagdag singil sa toll.
Ayon kay TRB Spokesman Julius Corpuz, dumadaan muna sa mahigpit na proseso ang petisyon para sa toll adjustment na hiniling ng Manila North Tollway Corporation, CAVITEX Infrastructure Corporation, South Luzon Tollway Corporation, Manila Toll Expressway Systems at Star Infrastructure Development Corporation.
Sinabi ni Corpuz na base sa proseso ng regulatory body, maghihintay sila ng maghahain ng petition for review o oposisyon sa loob ng siyamnapung araw na siyang magiging batayan nila sa pagpapatawag ng public hearing kaugnay ng petisyon.
“Ika-klaro lang po namin may mga petition po pero pawang mga petisyon pa lamang yang mga yan at makakaasa po kayo na kung saka-sakali mang magkaroon ng desisyon ukol sa pagbabago o pagtaas sa mga toll fee ay mabibigyan po kayo ng sapat na impormasyon, hindi po natin masasabi kung kailan mangyayari yan at kung may mangyayari man.”
Dagdag pa ni Corpuz, magiging batayan naman nila sa gagawing desisyon sa pagtataas ng toll ang ginagawang serbisyo sa mga motoristang dumadaan sa NLEX, SLEX, CAVITEX at STAR.
“Ang totoo nyan minomonitor namin lahat yan, are they able to maintain yung standards of operations and maintenance na nirerequire namin, tama ba ang pamamalakad nila, may pagkukulang ba sila at yan ang lahat ng iyan ay tinitingnan at isasama sa konsiderasyon ng ating pamunuan kung saka-sakaling magbibigay man sila ng desisyon whether to grant or reject.”
Sa inihaing petisyon ng apat na toll regulators, nasa average na 15% increase ang hinihiling para sa NLEX, 25% increase sa CAVITEX, 33% sa SLEX at 16% toll hike sa STAR Tollway. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)