MANILA, Philippines – Bumagsak na sa kamay ng mga awtoridad ang 14 na miyembro ng robbery carnappping group.
Ito’y matapos ma-recover ang isang nakaw na Isuzu aluminum van na puno ng mga laruang pambata na nagkakahalaga ng P700,000.
Ayon kay QCPD Director P/SSupt. Joel Pagdilao, kasamang nakuha sa mga ito ang 13 pang iba’t ibang plaka ng mga sasakyan.
Sinabi pa ng opisyal na nawala ang nasabing sasakyan habang nakaparada sa tapat ng opisina ng may-ari sa 20th Ave. sa Aurora Blvd. Cubao, Quezon City.
Natagpuan ng mga pulis ang nawawalang van sa Brgy. Longos, Malabon City.
“Meron palang GPS itong sasakyan na ito kaya natunton ito sa Malabon… at dinidiskarga na ng 14 na tao na nahuli,” anang opisyal.
Itinanggi naman ni Roberto Florentino, isa sa mga nahuling suspek ang akusasyon.
“Hindi ho namin ginagawa yun, nakisuyo lang ho sila na diskargahin at babalikan yung truck, Bong ho ang pangalan di ko masabi ang apelyido dahil dalawang beses lang kami nagkita.”
Samantala, nagpasalamat naman ang kumpanyang Kids Gallery Corporation sa pagkaka-recover ng sasakyan at mga paninda.
“Masaya yung company nang marecover yung mga stocks namin, kaya nagpapasalamat kami sa mga tumulong,” pasasalamat ni Dennis Victor ng Kids Gallery Corporation.
Bukod sa labing-apat na nahuli, apat pang robbery-holdup suspect na kabilang sa mga most wanted criminal ng Quezon City ang nadakip din ng QCPD. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)