MANILA, Philippines – Nanawagan ang pamunan ng Philippine National Police (PNP) sa mga tauhan nito sa buong bansa na magso-solicit ngayong holiday season.
Ayon kay Spokesperon to the Office of the Chief PNP, P/SSupt. Robert Po, mahigpit na ipinagbabawal ni PNP Chief Dir. Gen. Alan Purisima ang panghihingi o kahit pagtanggap ng regalo ng mga pulis.
Sinabi ni Po na hindi naman masama sa isang pulis ang bumati subalit siguruhing wala itong ibang ibig sabihin tulad ng panghihingi ng regalo.
“Yung ‘pag binati mo ng “Merry Christmas bossing”, yung may mga intonation dati na merong mga under tone ay bawal yun. Pero pag-plain and honest greetings na “Maligayang Pasko sa inyong lahat” ay hindi po bawal yun.”
Sinabi pa ng opisyal na maaaring makasuhan ang sinomang pulis na mahuhuling nanghihingi ng regalo o nagsasagawa ng solicitation.
“Ang pagtanggap ng regalo whether directly or indirectly ay may constitute crimes in relation of Republic Act 3019, itong Anti-Graft and Corrupt Practices,” saad pa ni Po.
Kaugnay nito, hinikayat din ng pamunuan ng PNP ang mga negosyante na agad na isumbong sa kanilang tanggapan kung may pulis na nanghihingi sa kanila ng regalo.
“Kung may mga miyembro ng kapulisan na hihingi ng regalo or directly implying that they be given gift for their birthday or this holiday season ay ipagbigay alam po ninyo sa amin at sila ay aming pagsasabihan o kakasuhan,” dagdag pa ni Po.
Gayunman, pinagiingat din ng opisyal ang mga ito sa mga nagpapanggap na pulis at militar upang makalikom ng pera ngayong holiday season. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)