MANILA, Philippines – Nalathala sa Daily Mail Online, isang news website na nakabase sa United Kingdom ang mga larawan na tinukoy umano ng mga sundalong Kurdish na isang Pilipino, Martes.
Kasama umano ang naturang Pilipino sa ginagawang pamamaslang ng teroristang Islamic State in Iraq and Syria (ISIS).
Ayon sa Malacañang, kinukumpirma pa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang naturang ulat.
Sinabi ni Presidential Communication Secretary Herminio “Sonny” Coloma Jr. na hanggang sa kasalukuyan ay wala pang kumpirmadong ulat sa umano’y ISIS recruitment sa Mindanao.
“According to the Armed Forces of the Philippines there is no confirmed report of ISIS recruitment here in the Philippines. The AFP said it is coordinating with local leaders to prevent ISIS recruitment efforts and enjoined their support to counter radicalization campaign into the communities.”
Tiniyak rin ng Malakanyang na palaging nakabantay ang mga awtoridad upang mapanatiling ligtas sa banta ng terorismo ang bansa.
“Patuloy na tinitiyak ng ating mga awtoridad ng ating mga law enforcement authorities yung kaligtasan ng ating mga mamamayan, yung mga komunidad laban sa banta ng terorismo at ng mga pangkat indibidwal na maaaring magsagawa ng karahasan,” dagdag pa ni Coloma. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)