MANILA, Philippines – Naglabas na ang World Health Organization (WHO) ng ng mga gabay o panuntunan sa tamang pamamaraan ng pagsusuot at paggamit ng personal protective equipment o PPE para sa Ebola virus.
Ito’y matapos umani ng batikos ang ginawang pagbisita ng ilang opisyal ng Department of Health (DOH) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga peacekeeper na kasalukyang naka-quarantine sa Caballo Island.
Ang PPE ay proteksyon ng isang health worker na hahawak sa mga pasyenteng apektado ng Ebola virus upang hindi mahawa.
Sa inilabas na guidelines ng WHO, nakasaad dito na dapat na isuot ang PPE kapag mayroong close contact sa isang taong may sintomas ng Ebola virus.
Maari lamang din itong gamitin ng isang health worker na dumaan sa training.
Binigyang diin rin dito na limitado ang suplay ng PPE sa buong mundo kaya’t dapat lamang itong gamitin kung kakailangnin na.
Paliwanag ng WHO, hindi airborne disease ang Ebola kaya’t makahahawa lamang ito kapag nagkaroon ng close contact sa body fluid secretions ng isang taong may sintomas na ng sakit gaya ng dugo, pawis, laway at semilia.
Una nang idinepensa ni DOH Acting Secretary Janette Garin ang hindi nito paggamit ng PPE sa ginawang pagbisita sa Caballo Island kamakailan.
Giit ng DOH, wala silang nilabag na protocol sa pagbisita sa mga sundalong kasalukuyang naka-quarantine.
Kahapon ay humingi na ng paumanhin ang kalihim sa kalituhan sa paggamit ng PPE na naidulot ng kanyang pagpunta sa Caballo Island.
Sa kasalukuyan ay walang ipinatutupad na general ban ang WHO sa mga lugar na apektado ng Ebola virus.
Hindi rin nito inirerekomenda na sumailalim sa general quarantine ang lahat ng mga biyahero na magmumula sa West Africa.
Bukas naman ang Department of Health sa rekomendasyon na ito ng WHO, ngunit ayon kay DOH Spokesperson Dr. Lyndon Lee Suy, mas makabubuti pa rin ang ibayong pagiingat upang hindi makapasok sa bansa ang nakamamatay na virus.
“We respect their recommendation, the same way naiitindihan naman nila kung bakit tayo naghihigpit, kasi sabi nga natin mapulaan na tayo sa paghihigpit kaysa naman magkaproblema,” saad nito.
Samantala, pinabulaanan naman ni Dr. Lee Suy ang balitang may isang Pinoy seafarer na umano’y positibo sa Ebola virus.
“May nagkasakit on board on a cruise ship, but it turned out to be not Ebola naman,” pahayag pa nito.
Ayon kay Dr. Lee Suy, sa kasalukuyan ay sumasailalim na sa mga pagsusuri ang naturang Pinoy seafarer upang malaman kung may iba pa itong karamdaman.
Sa ngayon aniya ay limitado pa lamang ang impormasyong nakararating sa kagawaran hinggil sa Pilipinong seaman. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)