MANILA, Philippines – Nagkasundo ang malalaking mall sa Metro Manila na mag-adjust ng operating hours upang makatulong sa pagpapaluwag ng traffic ngayong holiday season.
Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA), 15% hanggang 20% ang nadadagdag sa traffic volume sa lansangan kapag dumarating ang buwan ng Nobyembre at Disyembre.
Ayon sa ahensya, madalas ang traffic congestion sa mga lugar malapit sa mga naglalakihang shopping mall, lalo na kapag nagsasabay-sabay ang mga ito sa pagdedeklara ng mga holiday sale.
Dahil dito, nagbigay ng opsyon ang MMDA sa mga mall operator na mai-adjust ang kanilang operating hours.
Kabilang sa opsyon na iprinisenta ng MMDA ang “open late, close late” kung saan 11AM magbubukas ang mall at 11PM na magsasara.
“Open late, close early” option, alas-12 ng tanghali magbubukas at ala-7 ng gabi magsasara, habang “open early, close early” option mula 8AM hanggang 7PM.
Opsyon din ang “open early, close late”, mula 9AM hanggang 11PM, at ang “open 24/7” option.
Nagkasundo ang mga mall operator na mag-operate simula alas-11 ng umaga hanggang alas 11 ng gabi, simula November 28 hanggang January 3 sa susunod na taon.
Habang ang Robinsons Mall sa Manila ay magooperate naman simula 9AM hanggang 11PM sa parehong petsa.
Regular mall hours naman simula December 24 hanggang 25, at December 31 hanggang January 1.
Plano rin ng MMDA na makipagpulong sa ilang mall kung posibleng makapag-operate naman sila ng 24 oras.
“Pag rush hour sa umaga hindi kasabay magbukas yung mall, kapag rush hour sa gabi hindi kasabay magsara yung mall kaya hindi sabay lalabas sa kalye,” pahayag ni MMDA Chairman Francis Tolentino.
Samantala, hindi naman nangangamba ang mga mall operators na malugi sa adjustment ng kanilang operating hours, hiling lamang nila na sana ay mabigyansila ng sapat na panahon upang maianunsyo ang pagbabago sa kanilang mga customers.
Payag naman ang ilang mall goers sa pagbabago sa skedyul, habang ang ilang retailer ay tutol sa panukala.
Ayon kay Atty. Paul Santos, VP for External Affairs ng Philippine Retailers Association, masyadong matagal ang isang buwan.
“That’s more than a month, for retailers such as ourselves that will mean higher operating cost.”
Samantala, pinakiusapan rin ng MMDA ang mga mall operator na magamit ang mga security guards upang makatulong sa pagsasaayos ng traffic sa mga lugar na kanilang nasasakupan bukod pa sa ide-deploy na mga traffic constable sa paligid ng mga mall.
Sasailalim naman sa traffic management training ang mga security guard upang magkaroon ng kaalaman sa pagsasaayos ng trapiko. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)