MANILA, Philippines – Nanawagan ang Commission on Elections o COMELEC sa mga mambabatas na agad na aprubahan ang Senate Bill No. 1797 na isinusulong ni Senator Miriam Defensor Santiago na naglalayong bumuo ng Presidential Debate Commission.
Layunin nito na makapagsagawa ng presidential debate bago ang presidential elections.
Ayon kay COMELEC Spokesperson Director James Jimenez, malaki ang maitutulong nito sa publiko sa pagpili ng mga kandidatong iboboto sa pagka-presidente.
“Nanawagan kami na sana makita ng mga congressmen natin na itong debate ay isang konsepto ng debate na hinahanap ng publiko at hindi lang yun na sana makita din nila na napakahalaga nito para mas maging matalino yung boto ng ating mga kababayan, sana maipasa agad,” pahayag nito.
Sa pamamagitan ng presidential debate, mas malinaw na mailalatag ng mga kandidato ang ilan sa kanilang mga plataporma at panukala para sa bayan.
“Nakikita namin na magiging useful itong ganitong klaseng organisasyon pagdating ng kampanya ng 2016 elections para mapalalim ang diskusyon kasi alam mo tuwing kampanya nalang ang naririnig ng publiko yung mga campaign slogans lamang mga pangako ganyan, maganda sana kung magkakaroon ng pagkakataon na mapaguusapan ng mas malalim at sa isang pormal na setting yung mga mismong plataporma ng mga kandidato,” saad pa ni Jimenez.
Sinabi rin ni Jimenez na sa tulong ng presidential debate ay maoobliga ang bawat presidentiable na humarap sa publiko at maging sa mga makakalaban nito na kadalasan ay hindi nangyayari dahil kung minsan ay mas pinipili nito na hindi puntahan ang mga debate.
Kasalukuyang nakabinbin pa rin ang nasabing panukala sa Senate Committee on Electoral Reforms.
Sakaling maisabatas ito bago matapos ang taon, posibleng maisagawa ang debate pagkatapos ng filing ng certificate of candidacy na inaasahang matatapos sa October 2015. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)