MANILA, Philippines – Itinuturing na pinakamalaking solar-powered mall sa Southeast Asia ang pinasinayaan nitong Lunes ni Pangulong Benigno Aquino III sa Quezon City.
Bahagi ito ng pagsuporta ng mga nasa pribadong sektor sa Interruptible Load Program o ILP ng pamahalaan upang makatulong sa pagbabawas sa magiging demand sa supply ng kuryente sa 2015.
Ang 11,511 square meters mall rooftop ay kinabitan ng 5,760 solar panels na may 60 inverters.
Kaya nitong makapag-generate ng 1.5 megawatts power, sapat upang masuplayan ng kuryente ang isanlibong tahanan.
Hinikayat naman ni Pangulong Aquino ang mga nasa business sector na makibahagi sa ILP upang makatulong sa ginagawang hakbang ng gobyerno upang masolusyunan ang nakaambang power crisis sa susunod na taon.
“Most of you maybe aware of current projections if we do not adjust accordingly Luzon might experience a shortage of a minimum of 300 megawatts to a maximum of a thousand megawatts next summer this is not a challenge the national government can overcome alone which is why we are all working with all sectors to address this issue,” saad ng Pangulo.
Umaasa rin ang pangulo na makakapasa na sa lalong madaling panahon sa kongreso ang Joint Resolution No. 21 na magbibigay ng dagdag kapangyarihan sa pamahalaan na makapangontrata para sa karagdagang generating capacity.
“We are hopeful that both house and senate will approve the joint resolution we requested sooner rather than later in order to give the national government enough time to contract the necessary reserves.”
Matatandaang noong nakaraang Lunes ay nakapasa na sa House Committee on Energy ang naturang resolusyon. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)