MANILA, Philippines – Tiniyak ng isa sa mga author ng Freedom of Information (FOI) bill na mas madali nang makita ng publiko ang Statement of Assets Liabilities and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng pamahaalan kung maisasabatas ang panukala.
“Isang malaking problema if the very Freedom of Information law continues to perpetuate the current limitations and restrictions, I’m sure alam naman natin kung gaano kahirap sa publiko at media na ma-access ang SALN ngayon.”
Ito ang pahayag ni BAYAN MUNA Rep. Neri Colmenares kaugnay ng ginawa niyang pag-withdraw bilang author ng Freedom of Information (FOI) bill.
Kinukuwestiyon ng mambabatas ang umano’y mahirap na proseso sa pagkuha ng kopya ng SALN ng mga opisyal ng gobyerno na nakapaloob sa FOI bill na ipinasa ng House Committee on Public Information nitong Lunes.
Sa petition paper ng Makabayan Bloc, nakasaad na pinahihina ng ipinasang FOI bill ang karapatan ng tao na makakuha ng impormasyon.
Paliwanag naman ni Akbayan Party-list Rep. Barry Gutierrez na mas madali na ngayon ang access ng publiko sa SALN ng public officials dahil otomatiko na itong ia-upload sa lahat ng government websites.
Hindi gaya sa kasalukuyan na kailangan mo pang mag-request bago makakuha ng kopya.
“Andyan na yung supply hindi na kailangang humingi pwede mo buksan yung website ng kongreso makikita mo kung ano ang SALN ng iyong district o PL Rep. o SALN ng SC justice, punta ka sa website ng SC o presidente andun na,” ani Gutierrez.
Target ng mga FOI champions na masimulan na ang plenary discussion ng FOI bill sa first quarter ng 2015.
Kabilang sa mga probisyon ng kongreso ay ang pagkakaroon ng open data website kung saan naroon ang lahat ng impormasyon ng mga ahensya ng gobyerno na wala naman sa bersyon ng senado.
“Confident ako na this bill is not a water down version and not a toothless version but a strong version when enacted into law further ensure transparency in government,” saad pa ni Gutierrez.
Halos dalawang dekada nang inihahain ang Freedom of Information bill sa kongreso subalit hindi pa rin ito naisasabatas.
Umaasa ang mga FOI champion na sa pagkakataong ito ay makakasama na ang Pilipinas sa 90 bansa sa buong mundo na may batas ukol sa madaling access ng publiko tungkol sa mga public officials at mga proyekto ng gobyerno. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)