MANILA, Philippines – Umakyat na sa 51 mga kaso ang naitala ng Philippine National Police (PNP) na may kaugnayan sa pagpaslang sa mga mamamahayag sa bansa.
Hindi pa kasama sa nasabing bilang ang mga mamahayag na namatay sa Maguindanao massacre.
Ayon kay Task Force USIG Secretariat P/Supt. Henry Libay, ito ay mula noong January 1, 2001 hanggang November 18, 2014.
Sa 51 cases, 41 o 80% ang naisampa na sa korte habang 20% o sampung kaso ang under investigation.
“We have 51 cases plus one case sa Maguindanao since 2001,” anang opisyal.
Ayon kay Libay, mula sa 51 work-related cases ng mga pinatay na mamamahayag, 77 sa mga suspek ang nakilala na at 27 rito ang naaresto, 13 ang sumuko, 8 ang convicted, pito ang nasawi sa sakit at encounter habang 22 na lamang ang pinaghahanap.
Samantala, labing apat na kaso naman sa limamput isa sa tala ng Task Force USIG na work-related media killings ang naganap sa ilalim ng administrasyon ni Pangulong Noynoy Aquino.
Kabilang sa mga ito sina Sammy Oliverio mula sa Local Radio Station sa Digos City; Richard Nadjid ng Bongao, Tawi Tawi; Rogelio Butalid mula sa Radyo Natin sa Tagum Davao; at si Rubilita Garcia ng Remate na pinagbabaril sa harap ng kanyang apo sa Bacoor, Cavite. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)