EDMONTON, Canada – Nagluluksa ngayon ang mga kababayan nating Pilipino sa Edmonton, Canada dahil sa trahedyang sinapit ng apat na Filipino temporary foreign workers sa isang malagim na car accident, alas-11 ng umaga noong Sabado.
Ayon sa ulat, binabaybay ng mga biktima ang kahabaan ng Highway 21 nang mawalan ng kontrol ang driver dahil sa madulas na daan bunsod ng snow.
Napunta ang sinasakyan ng apat na Pilipino sa kabilang linya kaya nabangga ng kasalubong na tractor trailer.
Kabilang sa mga nasawi sa aksidente ang dalawang babae na nagtatrabaho bilang nanny o yaya at dalawang lalakeng cook sa isang fast food restaurant.
Sinasabing ang mga temporary foreign worker na ito ay wala pang dalawang taong nagtatrabaho sa Canada.
Isa sa mga nasawi ay kinilalang si Eva Janet Caperina, 41, isang nanny at may dalawang anak na nasa Pilipinas.
Hindi pa naman inilalabas ng mga awtoridad ang pangalan ng tatlo pang nasawi hangga’t hindi pa ito naipagbibigay alam sa kanilang kaanak sa Pilipinas.
Dahil sa insidente, ipinasya ng employer ng dalawang Pilipinong nagtatrabaho sa isang fast food restaurant na pansamantalang isara ito bilang pakikidalamhati.
Ayon sa general consulate na si Honorable Esmeralda Agbulos, kasalukuyang inaayos na ang memorial services para sa mga nasawi. (Pamela Gillado / Ruth Navales, UNTV News)