MANILA, Philippines – Nagbabala ngayon ang Food and Drug Administration (FDA) laban sa pagbili at paggamit ng mga washable hair chalks na ibinebenta sa internet.
Sa opisyal na pahayag ng ahensya, wala pa silang natatanggap na dokumento mula sa anumang cosmetic establishment na nagbebenta ng washable hair chalks na aprubado ng ASEAN Cosmetic Directive for Washable Hair Chalks.
Dahil dito, posible anilang may sangkap tulad ng pampakulay, kemikal at preservatives ang mga washable hair chalks na maaaring magdulot ng hindi magandang epekto sa anit, ulo, mata at balat ng tao.
Nauuso ang washable hair chalks sa mga teenager na nagpapahid ng mga colored pastel chalk sa kanilang buhok para magkaroon ng iba’t ibang kulay.
Kaugnay nito, pinapayuhan ang publiko na gumamit lamang ng mga produktong aprubado ng FDA na maaaring makita sa consumers’ corner ng kanilang website na www.fda.gov.ph. (UNTV News)