MANILA, Philippines – Nag-umpisa na kanina ang operasyon ng Task Force Phantom na binuo ng Metro Manila Development Authority (MMDA) upang umalalay sa mga special ocassion gaya ng APEC Summit sa susunod na taon.
Ayon kay MMDA Chairman Francis Tolentino, layunin din ng Task Force Phantom na makatulong sa pangangalaga ng seguridad sa mga mall ngayong holiday season.
“Nag-adjust tayo ng mall operating hours so yung security ng mga malls kasama na sa trabaho nila yun yung paglabas nila sa kalye simula ngayon.”
Sa ngayon ay binubuo pa lang ng labinlimang tauhan ng MMDA at PNP-Highway Patrol Group ang grupo.
Nagbabala naman si Chairman Tolentino sa mga hindi rerespeto o kikilala sa Task Force Phantom.
Aniya, “Combine elements ito ng highway patrol at MMDA dahil kailangan din natin ng mga armadong elemento ayaw na nating makita yung MMDA pinapalo na lang ng helmet, sinasampal-sampal na lang sariling sumbrero palagay ko kapag may gumawa nun e baka maposasan na yung iba dun.”
Dagdag pa ni Tolentino, ipakakalat ang Task Force Phantom sa North-EDSA, Cubao-EDSA at EDSA-Ayala.
“Bahagi ng trabaho nila yung masawata yung mga lasing na nagmamaneho na nagko-cause ng mga aksidente sa ating lansangan,” saad pa nito. (Jerico Albano / Ruth Navales, UNTV News)