Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Mga solusyon upang magamit ang Coco Levy Fund, ipinirisinta ni Pres. Aquino sa KM71 marchers

$
0
0

Ang ginawang pakikipagdayalogo ni Pangulong Benigno Aquino III sa KM 71 marchers nitong Miyerkules sa Malakanyang. (Malacanang Photo Bureau)

MANILA, Philippines – Halos kumpleto ang mga miyembro ng gabinete na kasama ni Pangulong Benigno Aquino III na nakipagdayalogo sa KILUS Magniniyog o KM71 Marchers na nagmula pa sa Davao at nakarating ng Malacanang gamit ang kanilang mga nagpapaltos ng mga paa.

Ipinaliwanag ni Pangulong Aquino sa grupo ng mga magniniyog na hindi pa tapos ang usaping legal kaugnay sa naging desisyon ng Korte Suprema noong November 2012 kaya hindi pa maaaring gamitin ang Coco Levy Fund.

“Ang problema nga po: hangga’t wala pang hatol hinggil sa motion for partial reconsideration na ating nilatag para sa kasong COCOFED vs. Republic, at wala pang utos ang Korte Suprema hinggil sa nilatag nating motion for partial entry of judgment para sa kaso, hindi pa po tapos ang proseso, at hindi pa rin po natin maaaring gugulin ang perang dapat nakalaan sa industriya ng niyog,” pahayag ni Pangulong Aquino.

Gayunpaman, sinabi ng pangulo na matagal nang pinag-aaralan ng pamahalaan kung ano ang mga dapat gawin upang maresolba ang isyu sa Coco Levy.

Ilang solusyon na rin ang kanilang inihahanda upang malutas ang problema isa na rito ang pagbabalangkas ng isang bagong batas na kaniyang sesertipikahan bilang urgent bill upang mapabilis ang paggamit ng Coco Levy Fund sa oras na matapos ang usaping legal.

Handa rin si Pangulong Aquino na idagdag ang nasa P1.1 billion sa sektor ng magniniyog kung matutuloy ang pagbebenta sa United Coconut Planters Bank (UCPB).

Bukod pa rito, pinagaaralan na rin ng pangulo ang panukala ng kilusang magniniyog na paglalabas ng isang executive order.

“Bukod po sa pagpapanday ng isang batas, ibinahagi niya po sa akin ang iba pang napagkasunduan. Una: Bagaman mas maganda kung mayroong batas, habang wala pa ito, inaaral na rin po natin ang mungkahi ninyong gumawa na muna ako ng isang Executive Order. Ikalawa: Na ang pondo ng Coco Levy Fund ay bukod pa sa pondong inilalaan natin sa Philippine Coconut Authority, mula sa pambansang budget. Sang-ayon po tayo dito. Ikatlo: Sang-ayon din po ako na tanging interest income mula sa Coco Levy Fund ang ating gagamitin, upang pati ang mga susunod na henerasyon ng magsasaka ay mapakinabangan ito.”

Sa huli tiniyak ng Pangulo ang suporta ng pamahalaan sa hangarin ng KM71 Marchers. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481