MANILA, Philippines – Nagpaalala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na mag-ingat sa pagsakay ng taxi.
Bunsod ito ng sunod-sunod na kaso ng panghoholdap kung saan mismong ang taxi driver ang holdaper.
Ayon kay Police Community Relations Group (PCRG) Director P/CSupt. Nestor Quinsay, ugaliing kuhanan ng litrato ang driver at itext din ang body number, plate number at pangalan ng taxi sa kaibigan o kamag-anak o i-upload sa Facebook.
“Sa mga taxi drivers kung ang taxi nyo ay pipictureran ng isang pasahero ay wag kayong magagalit kasi yun ay para sa proteksyon niyo at proteksyon ng mga pasahero so sana maintindihan ng mga drivers at operators natin,” panawagan ni Quinsay sa mga tsuper ng taxi.
Hinimok din ng heneral ang mga operator ng taxi na i-background check at hingan ng NBI clearance ang mga aplikante bago ito tanggapin upang masigurong matino at walang kaso.
“Yung mga taxi operators dapat before they will hire their drivers kailangang ipa-background check din nila para yung kumpanya nila ay hindi madamay.”
Gayunman, tiniyak ni Quinsay na 24/7 nagbabantay ang mga pulis lalo na ngayong dagsa ang mga sumasakay ng taxi dahil sa holiday season.
Nanawagan din ang opisyal na agad na ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan kung may mapapansing kakaibang kilos sa driver ng taxi sa pamamagitan ng pagtitext sa 2920 at sa 09178475757. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)