MANILA, Philippines – Siniguro ng kumpanyang Smartmatic ang mas maayos na serbisyo ng Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine sa darating na 2016 presidential elections.
“Nasubukan na natin yung AES (Automated Elections System) very transparent yung proseso na sinusunod natin, marami tayong safeguards na nakakasa sa tingin natin anu man yung pangamba ng mga tao, pangamba po yun inaamin natin may ganun inaacknowledege natin pero hindi dahilan yun para hindi natin gamitin ang Automated Elections System,” pahayag ni COMELEC Spokesperson James Jimenez.
Tiniyak ngayon ng kumpanyang Smartmatic ang maayos na serbisyo ng mga Precinct Count Optical Scan (PCOS) machine para sa nalalapit na 2016 presidential election.
Ang Smartmatic ang system provider ng mga PCOS machine na siyang ginamit simula pa noong 2010 elections.
Kumpiyansa si Smartmatic Philippines President Cesar Flores na maibibigay ng kanilang kumpanya ang dekalidad na serbisyo ng mga PCOS machine at hindi ito magiging sanhi ng anumang dayaan sa nalalapit na halalan.
Muli namang pinabulaanan ng Smartmatic ang mga paratang ng mga grupong nagsusulong ng manual na botohan, na umano’y maaring magamit ang mga nasabing makina sa pandaraya.
“This notion that safety nets have been remote is absolutely false, and that one of these, would say this enemies of automated elections have been successful at selling this when its absolutely false, the digital signatures have always been part of the system both in 2010 and 2013 its one of the key safeguard of the system, and they know it but still they go around and tell this was dismissed,” saad ni Flores.
Hinamon rin ni Flores ang mga grupo kontra-automated elections na magpetisyon sa Korte Suprema upang mapigilan na makasali ang Smartmatic sa public bidding.
Nanawagan naman ang grupong Citizens for Clean and Credible Elections sa COMELEC na iisantabi na ang Smartmatic sa proseso ng eleksyon.
Kamaikailan ay nakapagsagawa na ang COMELEC ng pre-bidding conference, kaugnay ng plano nitong umupa ng mga karagdagang voting machine dahil sa lumalaking bilang ng mga botante.
Sa darating na Disyembre 4 ay nakatakdang ilatag ng COMELEC ang kanilang technical at eligibility requirement para sa mga bidder. (Joan Nano / Ruth Navales, UNTV News)