MANILA, Philippines – Matagal nang nakatatanggap ng impormasyon ang PNP Anti-illegal Drugs Special Operations Task Force (AIDSOTF) na may lutuan ng shabu sa loob mismo ng New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa.
Ayon kay PNP-AIDSOTF Legal & Investigation Chief P/CInsp. Roque Merdegia, hindi ito imposible lalo na at may mga nakakulong na convicted chemist at financier na may kakayahang gumawa ng shabu.
Gayunman, malabo naman umanong lumawak ang operasyon nito.
“May bulong-bulungan pero kung laboratoryo may kahirapan sa loob pero posibleng mangyari kasi may convicted na chemist, andon ang financier ang problema yung chemicals pano ipasok,” pahayag ni Merdegia.
Maging ang Department of Justice (DOJ) na unang nagsabing na talamak pa rin ang drug operation sa loob ng bilangguan ay hindi kumbinsidong maaaring makapagtayo ng shabu laboratory sa loob ng bilangguan.
“May mga operations na dati para hanapin ang shabu lab in NBP. So far, hindi pa yan nahanap. Everytime I received that info, pinapahanap ko. So far as the NBI, PDEA, PNP, nagtutulungan kami dyan… kung totoong may shabu lab, nakatago yan. So far, sa efforts namin to locate that, it turned out to be negative,” saad ni Justice Secretary Leila De Lima.
Subalit iginiit ng kalihim na kailangan ng masusing imbestigasyon kung paano nakakapag-operate ang mga drug lord na nakakulong na.
Una nang ibinulgar ni dating PDEA Chief at NBP Director Dionisio Santiago na may lutuan ng shabu sa loob ng Muntinlupa ngunit aminado itong mahirap silang sugpuin. (Lea Ylagan / Ruth Navales, UNTV News)