DAVAO CITY, Philippines — Nananawagan ang isang dating miyembro ng regional legislative assembly ng Autonomus Region in Muslim Mindanao sa Department of Social Welfare and Development at sa Commission on Human Rights na pagtuunan ng pansin ang mga residenteng naiipit sa digmaan ngayon sa pagitan ng pamahalaan at Bangsamoro Islamic Freedom Fighters.
Ayon kay Bai Samira Gutoc Tomawis dating Assemblywoman sa ARMM kung paanong tinutulungan ng DSWD at CHR ang mga nabiktma ng baha, bagyo at iba pang kalamidad ay ganun din o higit pa ang ibibigay nilang suporta sa daan daang evacuee sa ilang bahagi ng Central Mindanao.
Ani Tomawis, “Disasters are not just those that should be looked as tragedies conflict of war is always masakit.”
Ang kawalan ng maayos na information drive sa mga komunidad hinggil sa nilalaman at kasalukuyang kalagayan ng peace talks ang posible aniyang dahilan kung bakit nagkakaroon ng tensyon ngayon sa Maguindanao at North Cotabato.
Kung maipapaunawa aniya sa publiko ang kabuuan ng Bangsamoro Framework Agreement at iba pang tinatalakay ngayon ng BPH at MILF Peace Panel ay hindi na makakakuha pa ng suporta mula sa ordinaryong mamamayan ang ilang peace spoiler.
“Kaya nga dapat merong ground work din hindi lang sa Kuala Lumpur. So peace talks is also about talking peace on the ground,” dagdag pa ni Tomawis.
Nananawagan din ito sa mga local government unit sa Central Mindanao na gawin ang kanikanilang mga bahagi upang magkaroon ng kapayapaan at katahimikan sa kanilang mga lugar.
Umaasa din itong sa lalong madaling panahon ay magkakaroon na ng final peace agreement sa pagitan ng MILF at pamahalaan.
“11 years na po, eh. Kailangan siguro during this PNoy administration may tuldok pong mangyayari and that would be because of a concreate annex — concreate na dokumento na lalabas po sa peace talks,” pahayag ni dating ARMM Assemblywoman Bai Samira Gutoc Tomawis. (LOUELL REQUILMAN, UNTV News)