UNTV GEOWEATHER CENTER (5am, 12/02/14) – Patuloy ang paglakas ng bagyo na nasa labas ng Philippine Area of Responsibility (PAR).
Kaninang 4am ay namataan ito ng PAGASA sa layong 2,485km sa Silangan ng Mindanao.
Taglay ng bagyo na may international name na “Hagupit” ang lakas ng hangin na 75kph at may pagbugso na aabot sa 90kph.
Kumikilos ito pakanluran –hilagangkanluran sa bilis na 25kph.
Ayon sa weather agency, sa Huwebes ng gabi o Biyernes ng umaga ito posibleng pumasok ng PAR.
Binabantayan parin ng PAGASA kung magla-landfall o tatama ito sa bansa o kaya naman ay liliko patungong Japan.
Papangalanan naman itong “Ruby” sa oras na pumasok sa PAR.
Samantala, umiiral muli ang Amihan o Northeast monsoon na siyang nagpaparamdam sa Northern at Central Luzon.
Makararanas ng mahinang pag-ulan ang Cagayan Valley, Apayao at Ilocos Norte habang ang Central Luzon at iba pang lugar sa Cordillera kasama ang Ilocos region ay magkakaroon ng papulo-pulong mahinang pag-ulan.
Ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa ay makararanas ng papulo-pulong pag-ulan, pagkidlat at pag-kulog.
Matataas din ang mga pag-alon sa mga baybayin ng Batanes, Calayan, Babuyan, Cagayan, Ilocos Norte, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan at Isabela.
Mapanganib na pagpalautan ito ng sasakyang pangisda at maliliit na sasakyang pandagat dahil sa matataas na pag-along maaaring umabot sa 4.5 meters. (Rey Pelayo / UNTV News)
SUNRISE – 6.05am
SUNSET- 5.25pm
END