MANILA, Philippines – Tiniyak ng Malacañang na handa ang mga miyembro ng gabinete na makipagtulungan sa imbestigasyon ng senado sa P900-million Malampaya fund scam.
Ayon kay Presidential Communication Secretary Herminio “Sonny” Coloma Junior, inaasahan nila na sa pamamagitan ng senate probe ay magiging malinaw ang isyu at kung paano napagsamantalahan ang naturang pondo.
“Ang mahalaga dito sa pagsisiyasat na ito ay madagdagan ang kaalaman ng sambayanan hinggil sa mga naganap sa paggamit ng pondo ng bayan. Batid natin na may usapin na naiharap sa Office of the Ombudsman at ito ay sinisiyasat na rin dun kung makakatulong ang pagsisiyasat sa paglikha ng bagong lehislasyon,” saad ng kalihim.
Umaasa rin ang palasyo na may mapananagot na mga opisyal ng gobyerno kung mapatutunayang sangkot at nakinabang ang mga ito sa Malampaya fund scam.
“Address nung mga requirements ng transparency at accountability of public officials yan sana ang matamo natin mula sa pagsisiyasat ng Senate Blue Ribbon Committee,” dagdag pa ni Coloma.
Samantala, ayaw munang magkomentaryo ng Malacañang sa posibilidad na may masangkot rin na kaalyado ng administrasyon sa nasabing anomalya.
Ayon kay Undersecretary Abigail Valte, maaga pa upang mapagtuunan ito ng pansin ng Palasyo. (Nel Maribojoc / Ruth Navales, UNTV News)