MANILA, Philippines – Sinampahan na ng reklamo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa Land Transportation Office (LTO) ang sports car driver na nanakit ng isang traffic law enforcer.
Nakasaad sa complaint letter ng MMDA na dapat tanggalan ng lisensya si Joseph Russel Ingco, ang sports car driver na nanakit kay MMDA Traffic Constable Jorbe Adriatico.
Matapos ang insidente ay marami na ring lumitaw na mga reklamo laban kay Adriatico, subalit iginiit ng MMDA na ito ay hiwalay na isyu at kailangang magfocus lamang sa nangyaring insidente.
Ipinagtanggol rin ng MMDA ang pagkuha ng video ni Adriatico.
Ayon kay MMDA Asst. General Manager Emerson Carlos, protocol ito sa lahat ng traffic law enforcer upang magkaroon ng ebidensya sa mga nahuhuling motorist.
Sa kabila, pinagaaralan na rin aniya ngayon ng ahensya na rebisahin ang nasabing protocol.
“We authorized our field personnel na gumamit ng cellphone to record incidents such as this. We don’t think its against human rights kasi paggamit nila is to record the actual incident kung ano nangyari talaga.”
Nauna nang sinampahan ng kasong serious physical injury at grave threat and robbery ng MMDA sa Quezon City Regional Trial Court si Joseph Russel Ingco.
Samantala, nagpaalala naman ang Automobile Association of the Philippines (AAP) sa mga motorista hinggil sa kanilang mga karapatan kapag hinuli ng traffic law enforcer.
Ayon sa bill of rights, karapatan ng isang motorista na magtanong kung ano ang kanyang violation.
Maaari ding hingin ang mission order ng isang enforcer, nakasaad dito ang oras ng duty, destinong lugar at kung awtorisado bang maniket ang isang enforcer.
Karapatan rin ng motorista na magreklamo kung nakaranas ng pangaabuso mula sa mga traffic enforcer.
“The first thing that the enforcer would normally ask you is for your liscense ipakikita mo ganito, meron ako lisensya, pag kukunin, oops bakit,” pahayag ni Bert Suansing, AAP Consultant.
Dagdag pa nito, kung nakumpiska ang lisensya ay maaaring gamitin bilang valid drivers license ang ID plastic card, temporary drivers license, temporary operators permit, international drivers license at foreign license.
Ayon naman sa MMDA, hindi marapat na kumpiskahin ng sinoman ang lisensya ng isang motorista maliban sa mga sumusunod na violation.
Kung nasangkot ang motorista sa isang aksidente, kapag ang isang driver ay mayroon ng tatlong unsettled o hindi nababayarang traffic infraction, o kapag nahuli dahil sa mabigat na violation gaya ng colorum operation at out of line.
Pinagbabawalan rin ng MMDA na mag-umpukan ang mga traffic law enforcer kapag nanghuhuli ng isang motorista, bawal rin na pababain ng sapilitan sa sasakyan ang motorista habang ito ay hinuhuli.
“Bawal maging abusive, kailangan they should always respect the driver kahit na may violation na ginawa ito,” saad pa ni Carlos.
Payo ng AAP sa mga motorist, maging mahinahon sa lahat ng pagkakataon at huwag pairalin ang init ng ulo lalo na sa mga pagkakataong nahuhuli dahil sa mga traffic violation. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)