MANILA, Philippines – Pinakakasuhan na ng Department of Justice (DOJ) ang labing-apat na suspek sa hazing na ikinasawi ng 18-anyos na estudyante ng De La Salle College of St. Benilde na si Guillo Cesar Servando, noong Hunyo 28.
Inireklamo sa DOJ ang mga suspek ng paglabag sa Republic Act 8049 o ang Anti-Hazing Law.
Nakitaan ng probable cause ng Panel of National Prosecution Service (NPS) upang sampahan ng kaso sina:
• Cody Errol Morales
• Daniel Paul Martin Bautista alias Pope Bautista
• Esmerson Nathaniel Calupas alias Emeng
• Hans Killian Tatlonghari alyas Hans Tamaring
• Eleazar Pablico alyas Trex Garcia
• Vic Angelo Dy
• Mark Andrew Ramos
• Michael David Castañeda
• Justin Francis Reyes alias Rayjay and Jayray
• Alias Kiko
• Alias Bea
• Jane doe
• Kurt Michael Almazan
• John Kevin Navoa
Karamihan sa mga suspek ay miyembro ng Tau Gamma Phi fraternity.
Ayon sa panel, positibong tinukoy ng tatlong neophytes na sina John Paul Raval, Lorenze Anthony Agustin at Levin Roland Flores ang mga suspek.
Nagpasya rin ang panel na kasuhan si Almazan sa kabila ng testimonya nitong pinilit lamang ito ng respondent na si Morales na sumali sa initiation rites.
Samantala, pinadidismiss ng panel ang mga inihaing reklamo laban kina:
• Jemar Pajarito
• Luis Solomon Arevalo
• Carl Francis Loresca
• Steven Jorge Peñano
• Ma. Teresa Dayanghirang
• Alyssa Federique Valbuena
Batay sa resolusyon, walang sapat na ebidensya na magpapatunay na kasama ang anim sa mga nanakit kina Servando at kapwa-neophytes nito.
Noong Hulyo ay naglabas ang pamahalaan ng lookout bulletin laban sa mga suspek upang mabantayan ang mga ito.
Kinumpirma ng Bureau of Immigration na apat sa mga suspek ay nakalabas na ng Pilipinas kabilang dito si Calupas, Tatlonghari, Pablico at Navoa. (Bianca Dava / Ruth Navales, UNTV News)