Quantcast
Channel: UNTV News
Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481

Petition for bail ni Sen. Revilla, hindi pinagbigyan ng Sandiganbayan

$
0
0

FILE PHOTO: Former Senator Ramon “Bong” Revilla Jr. (UNTV News)

MANILA, Philippines – Dismayado si Senador Bong Revilla Jr. sa desisyon ng Sandiganbayan na hindi siya puwedeng makapagpiyansa sa kasong plunder kaugnay ng PDAF scam.

Sa isang pahayag, sinabi ni Revilla na hindi nito inaasahan na hindi siya papayagan ng korte na makapagpiyansa.

Gayunpaman, nirerespeto niya ang desisyon ng hukuman.

Bukod kay Senator Revilla, hindi rin pinayagang makapagpiyansa ang kanyang Chief of Staff nito na si Atty. Ricchard Cambe, gayundin si Janet Lim Napoles.

“I was shocked. I didn’t expect the bail to be denied. Kasi unang-una nasira naman natin ang credibility ni Benhur,” saad ng abogado ni Napoles na si Atty. Stephen David.

Sa inilabas na resolusyon ng anti-graft court, sinabi nitong batay sa mga iprenisintang ebidensya ng prosekusyon, kumbinsido silang nagkaroon ng sabwatan ang mga akusado upang makinabang sa PDAF ni Senator Revilla na nagkakahalaga ng mahigit P224-milyon.

Ayon sa korte, napatunayan ng prosekusyon ang tatlong elemento sa kasong plunder laban kay Napoles, Revilla at Cambe.

Una rito, dapat ang akusado ay isang public official katulad ni Revilla at Cambe.

Ngunit dawit din sa plunder ang isang pribadong indibidwal katulad ni Napoles na napatunayang nakipagsabwatan para magkamal ng ilegal na pondo.

Ikalawang elemento ng plunder case ay ang proseso o scheme ng pagkamal ng pondo upang pakinabangan lamang ng piling mga indibidwal.

At ang ikatlo ay ang halaga o laki ng ilegal na pondo na hindi dapabababa sa 50 milyong piso.

Ayon sa Sandiganbayan, base sa ebidensya ng prosekusyon, malinaw ang naging proseso ng paglalagay ng PDAF ng senador sa mga pekeng NGOs ni Napoles upang makakuha ng kickback o kumisyon.

Maliban kay Revilla, nahaharap din sa kasong plunder at graft sina Senator Juan Ponce Enrile at Senator Jinggoy Estrada.

Dismayado rin si Sen. Estrada sa desisyon ng Sandiganbayan tungkol sa hiling ni Revilla na makapag-piyansa.

Ayon sa kanya, “Ako ay naniniwala na malinis ang konsensya ni Sen. Revilla, Alam ko, maganda po ang kanyang argumento sa Sandiganbayan sa 1st Division. Ngunit ako ay nangangamba rin na magkaroon ng adverse effect iyong bail hearing ko dito sa 5th Division ng Sandigabayan.”

Samantala, ikinatuwa naman ni PDAF scam whistleblower Benhur Luy ang naging desisyon ng korte.

“Natutuwa po ako… dahil totoo naman po ang sinasabi ko.”

Handa na rin ang prosekusyon sa magiging paglilitis ng korte sa kasong kinakaharap ng senador.

“This is just the beginning and this will be start of our presentation of our evidence in chief. And I think by the sheer volume of the evidence that was presented in court, I think we should also commend the court and everybody else involved in this case because in a little over four months we already concluded the bail petition,” saad ni Atty. Joefferson Turibio. (Joyce Balancio / Ruth Navales, UNTV News)


Viewing all articles
Browse latest Browse all 18481