MANILA, Philippines – Nanawagan ang grupong Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) sa Korte Suprema na ilabas na ang pinal nitong desisyon hinggil sa Disbursement Acceleration Program o DAP.
Ginawa ng grupo ang panawagan kasabay ng regular en banc session ng katas-taasang hukuman ngayong araw ng Martes.
Ayon sa grupo, napapanahon nang magkaroon ng final ruling ang korte at itaguyod ang nauna nitong desisyon ukol sa DAP.
“Dapat may managot. Sinasabi nilang hindi pwedeng panagutin ang pangulo dahil di pa final ang decision. Pero oras na maging final, wala ng dahilan para palusutin pa ang pangulo sa ginawa nyang paglabag sa batas,” mariing pahayag ni Renato Reyes, ang Secretary General ng Bayan.
Dagdag pa nito, “Yung 14-0 mabigat na yun. Opinion ng publiko, kontra dito sa DAP. Ang tanong nalang kelan ilalabas ang decision?”
Noong Hulyo ay idineklarang unconstitutional ng Korte Suprema ang Circular 541 ng Department of Budget and Management (DBM) na siyang bumuo sa DAP.
Ngunit umapela ang Malakanyang sa unanimous ruling at iginiit ang kapangyarihan ng pangulo upang magmanage ng pondo ng kaban ng bayan. (UNTV News)