MANILA, Philippines – Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na labintatlong Pilipino ang kabilang sa lumubog na Korean vessel na Oryong 501 sa Bering Sea sa Russia.
Ito ay batay sa communiqué ng embahada ng Pilipinas sa Moscow, Russia.
Sa isang panayam sa telepono, sinabi ni DFA Spokesperson Charles Jose na batay sa ulat, mayroon ngang 13 kababayan nating Pinoy na kabilang sa lumubog na barko.
Lulan ng barko ang 60 tripulante nang ito ay lumubog sa Bering Sea.
“Ayon sa ulat mayroon ngang 13 Filipinos, 11 South Koreans, 35 Indonesians at may isang Russian na parang captain.”
Sa ngayon ay isa na ang naitalang nasawi, habang walo naman ang nailigtas ng mga Russian vessel na tumutulong sa rescue operations.
Inaalam pa sa kasalukuyan ng DFA kung may kasamang Pilipino sa walong nailigtas.
Ayon pa kay Jose, ang masamang panahon ang itinuturong dahilan ng paglubog ng naturang barko.
“Honorary consul general natin sa Vladivostok ay naatasang makipag-coordinate sa local authorities para makakakuha ng update sa rescue efforts and the same time ang embassy natin sa Seoul, South Korea ay nirequest din na makipagugnayan sa Korean owner ng fishing vessel para malaman yung mga pangalan at iba pang details nitong Filipino crew members nito.”
Tiniyak rin ng DFA na patuloy ang ginagawang search and rescue operation ng Russian government sa mga nawawalang sakay ng barko.
“I think yung Russian government ginagawa lahat para sa search and rescue pero masama ang panahon so medyo nahahamper yung efforts nila, pero once na makuha yung mga pangalan ng Filipino crew members ay ino-notice na natin yung mga next of kin at kung may mga ma-rescue na mga Filipino titiyakin natin na mabibigyan sila ng proper medical attention,” saad pa ni Jose.
Ang barkong Oryong 501 ay ginawa sa Spain noong 1978 at nabili ng South Korean fisheries firm na Sajo Industries noong 2010.
Sa ngayon ay patuloy ang koordinasyon ng DFA sa Korean Embassy tungkol sa kalagayan ng mga Pilipinong tripulante ng barko. (Bryan De Paz / Ruth Navales, UNTV News)