MANILA, Philippines – Tinatalakay na ngayon ng House Committee on Ways and Means ang panukalang batas na magdadagag sa kita ng pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapataw ng panibagong dagdag na buwis sa mga produktong ginagagamitan ng artificial sweeteners.
Kabilang sa mga produktong ginagamitan ng artificial sweeteners ang soft drinks, energy drink, doy packed juices at iba pa.
Sa pag-aaral ng komite, ibabase nito ang buwis na ipapataw sa dami ng asukal na ilalagay sa isang produkto.
Isa sa suhestiyon ng komite ay dagdag na limang piso sa kada .08% per milliliter, kung saan tinatayang kikita ng P14-bilyon kada taon ang gobyerno kung ito ay maisasabatas.
“Lahat ng proceeds nito ay paghahati-hatian primarily for education, for nutritional enhancement sa mga public schools but most importantly is para magkaroon ng access sa portable and free drinking water ang ating mga paaralan,” saad ni Quimbo.
Ang pagpapataw ng buwis ay ibinase ng mga kongresista sa epekto sa kalusugan ng paggamit ng artificial sweeteners.
Isa ito ang pangunahing dahilan ng pagiging obese, pagkakaroon ng diabetes at iba pang heart ailment.
Sa pinakahuling tala ng World Health Organization (WHO) noong 2008, isang Pilipino ang namamatay kada isang segundo dahil sa mga komplikasyong dulot ng sakit na diabetes.
Habang nasa 3.5 milyong Pilipino ang may diabetes o isa sa kada limang Pilipino at inaasahang sa taong 2030 ay posible pa itong lumobo sa 7.8 million.
“Lahat ng pagaaral sa abroad ang sinasabi ay ang asukal o artificial sweetener ay nagko-cause ng obesity, type 2 diabetes, heart disease but hindi sya nagko-cause ng kamatayan…but siya ang pinaguugatan ng mga risk factors na pinanggagalingan ng highest non-communicable diseases,” saad pa ng kongresista.
Ayon pa kay Quimbo, layunin nito na maobliga ang mga industriya na gumawa ng mga inuming mababa ang sugar contents, at gumamit ng natural na asukal para sa mga inumin at pagkain upang makaiwas sa malalang sakit. (Grace Casin / Ruth Navales, UNTV News)