MANILA, Philippines – Anim na buwang ipatutupad ng Metro Manila Development Authority (MMDA) ang truck ban sa kahabaan ng Roxas Blvd.
Ito ay bilang paghahanda sa malalaking okasyon gaya ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) Summit at Manila Film Festival (MFF) na gagamitin ang Roxas Blvd.
Masasakop ng ban ang northbound at southbound sa Roxas Blvd na inaasahang magpapasikip sa daloy ng trapiko.
Pagmumultahin ng P2,000 at maaari ding masuspinde ang lisensya ng mga mahuhuling lalabag.
Sasamantalahin rin ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang truck ban upang kumpunihin ang center island sa Roxas Blvd.
Ayon sa MMDA, maaaring gamitin ng mga truck ang designated na 24/7 truck route lane.
Lumikha naman ng mas mahabang pila ng truck mula sa port area ang truck ban sa Roxas Blvd.
Nagpahayag naman ng pagtutol ang mga truck operator, dahil makakaapekto anila ito sa delivery at supply ng ilang produkto.
Ayon kay Bert Suansing ng Confederation of Truckers Association of the Philippines, maaari din itong maging dahilan upang tumanggi ang mga trucker na mag-deliver ng mga produkto sa south Luzon area.
“Ang unang magreact dyan yung mga drivers ng truck, siyempre maapektuhan sila kasi sila nasa kalsada, kahit may dagdag bayad yun malaki epekto sa kanila, they might just refuse to do south deliveries,” saad nito.
Katunayan, isang fast food chain ang nagpaskil sa isa sa mga branch nito na hindi muna mabibili ang isang produkto dahil naipit sa port congestion.
Ayon naman sa Port Users Confederation, Inc. (PUC), pinangangambahan na makaapekto rin ito sa presyo ng mga produkto na nanggagaling sa pantalan dahil dagdag gastos ito sa kunsumo ng petrolyo ng mga truck.
Magdudulot rin ito ng port congestion dahil wala pa rin umanong katulad ang Roxas Blvd na mas mabilis ang biyahe kumpara sa ibang ruta na medyo makitid ang mga kalye.
“Although the Chairman Tolentino designated the other routes like the Burgos, Imelda Avenue towards Espana and Quirino, 24/7 the trucks can fly along this routes 24/7,” pahayag ni Rodolfo De Ocampo, presidente ng PUC.
Ayon sa MMDA, mayroong mahigit 80-libong cargo trucks sa buong bansa at 13-libo dito ay dumadaan sa mga main thoroughfare ng Metro Manila.
Samantala, pinangangambahan naman na ang pagpapatupad ng truck ban sa Roxas Blvd. ay magdudulot ng mabigat na daloy ng trapiko sa mga pangunahing lansangan ng Metro Manila ngayong holiday season. (Mon Jocson / Ruth Navales, UNTV News)